Dalawang panig ng pag-ibig ang lente ng ‘The Loved One’

FEU Advocate
March 01, 2026 13:21


Ni Bianca Bumatayo

Pinatunayan ng romantikong pelikula ni Irene Emma Villamor na hindi sapat ang malalim na pagmamahal upang pagdugtungin ang dalawang pusong magkaiba na ng direksiyong tinatahak. Sapagkat may mga pag-ibig na kahit wagas, kailangang magpaubaya lalo na't kung hindi na magtatagpo ang mga landas na nais tahakin.

Matagal nang inaabangan sa mga sinehan ang pagbabalik ng ‘Multimedia Superstar’ na si Anne Curtis, kasama ang ‘Asia’s Drama King’ na si Jericho Rosales sa iisang kuwentong uukit sa puso ng mga Pilipino. 

Matapos ang anim na taong pagpapahinga mula sa paggawa ng pelikula, muling sinorpresa ni Curtis ang sambayanang Pilipino sa pagganap niya bilang Ellie sa kanilang comeback movie kasama ang kaniyang co-star na si Rosales na gumanap bilang Eric. 

Huling nagkasama ang dalawa sa kanilang pelikulang ‘Baler’ noong 2008 at sa seryeng ‘Green Rose’ noong 2011, kung kaya’t maituturing na reunion ang kanilang bagong pelikulang ‘The Loved One’ na inihahandog ng Cornerstone Entertainment at Viva Films. 

Ngayong buwan ng pag-ibig, hindi lamang isang ordinaryong romantikong pelikula ang handog ng kuwentong ito, ngunit isang malawak na paglalarawan ng dalawang panig ng pag-ibig: ang pagmamahal na pinipiling magpaalam at ang pagmamahal na pinipiling manatili sa gitna ng kanilang pagkakaiba.

Bitbit nila ang mga saloobing nakapaloob sa puso ng bawat isa, habang kinakapa ang lalim ng sugat na naiwan sa kanilang pagmamahalan. 

Masaya ang biyaheng pag-ibig sa umpisa 

Tulad ng maraming kuwento ng pag-ibig, nagsimula rin ito sa isang tila payak ngunit makahulugang pagtatagpo. 

Sa pamamagitan ng kanilang magkakatulad na kaibigan, marahang inihanay ng tadhana ang landas nina Eric at Ellie hanggang sa magtagpo ang kanilang mga mundo.

Isang tradisyonal at mahiyaing tao si Eric, may prinsipyo at direksyon sa buhay—ang nakapagpukaw sa damdamin ni Ellie. Kung kaya’t sa umpisa pa lamang, nakaramdam na siya kaagad na magkakasundo sila dahil sa pagkakaiba ng kanilang pagkatao. 

Samantala, itinuturing ni Ellie ang sarili bilang isang babaeng patuloy pang hinahanap ang kaniyang layon sa mundo. Sabik siyang tuklasin kung ano ang tunay na magpapasaya sa kaniya, walang pakialam sa mga bulong at husga ng iba. 

Sa isang simpleng ngiti at magaan na pagbati nagsimula ang namuong ugnayan nina Eric at Ellie—isang samahang may paggalang at lambing sa bawat pakikitungo. 

Sa mga unang buwan ng kanilang pagsasama, lalong tumibay ang damdaming inugat sa tiwala at walang sawang pagsuporta sa isa’t isa. May mga pangakong sabay nilang pinanghawakan at mga salitang binitawan sa gitna ng mga pangarap at planong sabay nilang binuo.

Ngunit habang humahaba ang mga araw, marahan ding nagbabago ang ihip ng tadhana. Unti-unting hinila ang kanilang relasyon patungo sa mas masidhing yugto—sa mga pagsubok na dala ng realidad, kung saan sinusukat hindi lamang ang tamis ng pag-ibig, kung hindi pati ang tibay nito sa harap ng buhay.

Sampung taon ng ako at ikaw

Sa layo ng tinahak ng kanilang pag-iibigan, napatunayan ng magkasintahan na maaari pa rin pala itong tumirik sa gitna ng daan. 

Hindi nila napansing unti-unti nang nagpapabigat ang kanilang mga bagahe, hanggang sa tuluyang maudlot ang masaya sanang biyahe ng kanilang pagmamahalan.

Habang tumatagal, marahang inilalahad ng pelikula kung gaano kalaki ang kayang baguhin ng sampung taon sa dalawang tauhang minsan nang naniwalang sapat na ang pag-ibig.

Tulad nina Eric at Ellie, natuklasan nilang may dulo rin pala ang sakripisyo. Nasusubok din pala ang hangganan kung hanggang kailan kayang magmahal at umunawa ng bawat isa. 

Sa mga panahong magkasangga sila, tila hindi pa rin pala sapat ang kanilang presensiya upang manatiling buo ang kanilang relasyon. 

Dahil kasabay ng pagdaloy ng panahon, umusbong din ang mga plano at oportunidad. Pareho silang may pangarap, ngunit magkaiba ang paraan ng pagtahak dito.

Sa pagitan ng kanilang mga prinsipyo, may puwang na dahan-dahang nabuo sa puso ni Ellie—isang blangkong espasyong inakala niyang mapupunan ng pagmamahal ni Eric. Ngunit may mga kakulangang hindi kayang punan ng damdamin lamang.

Nauwi sila sa isang hindi maipipintang kirot na kapuwa nilang nilikha at kapuwa rin nilang pinasan. Dumating ang puntong mas pinili nilang wakasan ang kanilang pag-iibigan kaysa hayaang tuluyang maubos ang natitirang pagmamahal sa isa't isa.

Gaano man nila gustuhing ipaglaban ang kanilang pagmamahalan, nabago na sila ng sampung taong magkasama. Mag-antayan man sila para sa isa’t isa, hindi na talaga magtatagpo ang kanilang mga gusto sa buhay.

Dahil minsan, gano’n talaga ang relasyon. Hinubog man kayo ng pag-ibig, ngunit hindi iyon sapat upang manatili sa iisang dulo. May mga pagbabagong hindi kayang balikan, at may mga pagkakataong kailangang hayaang palayain.

Sa huli, ipinakita ng kanilang kuwento na kayang baguhin ng panahon ang himig ng puso. Hindi nasusukat ang pagmamahal sa tagal lamang ng pagsasama, kundi sa lalim ng pag-unawa at lawak ng pagtanggap sa pagkakaiba.

Sa kabila ng mga masasayang alaala, minsan ay pipiliin ninyo na lang talagang pakawalan ang isa’t isa, dahil minsan, ang pinakamataas na anyo ng pagmamahal ay ang pagpapalaya.

Mula rito, nagkaroon ng mas malalim na pananaw ang dalawang pangunahing karakter sa kahulugan ng moralidad at prinsipyo sa buhay. Kahit gaano katagal ang pinagsamahan, may mga bagay na sadyang hindi maaaring pagtagpuin. 

At sa pagtanggap na iyon, mas pinili nilang maging masaya ang isa't isa, kahit hindi na sila parte ng kasiyahan na iyon.

Tuldok ng dulo at simula 

Sa paglalakbay ng pagmamahal, paghihintay, at pag-uunawa, nauuwi rin talaga sa hidwaan ang bawat relasyon, tulad ng dalawang bida. Buhat ito ng mga tanong at pagninilay na bumagabag sa kanila matapos ang sampung taon ng pagsasama. 

Sa bandang huli, muling sinikap nina Eric at Ellie na harapin ang katotohanan sa kapalaran ng kanilang relasyon. Kahit na humantong sa masakit na pagwawakas ang kanilang pagsasama, nagawa nitong unti-unting hilumin ang mga pusong minsang wagas na nagmahal.

Sa huling eksena at trailer ng pelikula, tila may isang binitiwang linya si Ellie na nagpakirot at nakapagbigay ng matinding emosyon na bumuhat sa diskusyon nila ni Eric. 

Maybe that was a beginning of the end, I think we are just too much for each other (Siguro iyon na ang simula ng wakas, sa tingin ko ay sobra lang tayo sa isa't isa.).” 

Sa relasyong tinahak nina Eric at Ellie, tila malayang naipakita na sadyang mapagparaya ang pagmamahal. Hindi ito laging pagkapit; may mga pagkakataong ang pagmamahal ay nasusukat sa kakayahang bumitiw.

Kung iisipin nang maigi, ang pelikulang ito ay hindi lamang isang kuwento ng pag-ibig—isa itong pananaw ng realidad; inilalarawan nito ang lalim ng makatotohanang panig ng nag-iibigan.

Isa rin itong repleksiyon na maaaring matagpuan ang tunay na kahalagahan ng pagmamahal sa pamamagitan ng paghihintay, pag-unawa, at pagtanggap sa kahinaan at kakulangan ng bawat isa sa isang relasyon.

Mistulang mapaglaro talaga ang tadhana, nagagawa nitong pagtagpuin ang dalawang panig ng pag-ibig, kahit na hindi ito ang makakasama nito sa susunod na habang buhay.

Kaya’t sa mga relasyong kahalintulad nina Eric at Ellie, mahalagang matutong suriin hindi lamang ang tibok ng puso kundi pati na rin ang direksiyon ng mga paa. Hindi sapat ang mahal ninyo ang isa’t isa—kailangan ding malinaw kung saan kayo patungo, at kung handa ba kayong magtagpo sa iisang hinaharap.

Minsan, ang pinakamatapang na desisyon ay hindi ang manatili, kundi ang kilalaning may mga pangarap na hindi na maglalapat. Sapagkat ang pag-ibig na tunay ay marunong ding rumespeto sa sariling paglago, at tanggapin na hindi lahat ng sabay nagsimula ay sabay magtatapos.

Bunsod ng pelikulang The Loved One, tila nag-iwan ito ng tanong sa karamihan—kung alin nga ba ang mas matimbang: ang pag-ibig na pinilit ipaglaban, o ang pag-ibig na piniling magpalaya ng damdamin.

Isang kakaibang kuwentong pag-ibig ang handog ng pelikulang ito na nararapat panoorin ng sambayanang Pilipino. Pelikulang hango sa tunay na sakit ng pag-ibig na kayang tiisin, na kahit ang pusong mapagmahal, ay kaya nitong palayain. 

Mapagtatanto sa pelikulang The Loved One ang dalawang mukhang may wagas na pagmamahal. Sa kabila ng hidwaan, ang bawat puso ng mga taong nagmamahalan ay may kakayahan ding lisanin ang pait ng kahapon, at harapin ang liwanag ng pagkakataon ng bagong bukas.

Patuloy na mapapanood ang Ultimate Movie Date of the Year, ang pelikulang The Loved One, sa mga sinehan sa buong Pilipinas. 

(Mga litrato mula sa The Philippine Star at VivaFilms and Cornerstone Studios; Latag ni Phoemella Jane Balderrama)