Category is: Drag Lord

FEU Advocate
September 05, 2023 03:41


Ni Beatrice Diane D. Bartolome

“Racers, start your engines, and may the best drag queen win!”

Lumalangoy ang entablado sa iba’t ibang kulay—pula, asul, rosas, at iba pa—mga kulay ng bahagharing dumurugo. At sa mesang kinauupuan ng mga hukom, sa pinakadulo’y nakapuwesto si Hesus. Ang abito Niya’y walang ano mang kulubot at ginayakan ng samu’t saring ginto. Isang abitong angkop para sa isang hari.

“Ikinagagalak kong maging panauhing hukom sa episodyo na ‘to!” ngiti Niya’y maaliwalas.

“May napapaboran ka na ba sa mga Maria Clara natin?” tanong ng punong hurado. Atty. Gurl ang kanyang drag name.

“Naniniwala ako na lahat sila ay may potensyal, hindi alintana ang rekord nila sa paligsahan na ‘to,” sagot ni Hesus, walang pagkaabala.

Pumalakpak si Atty. Gurl at agad-agaran, namatay ang mga ilaw at nabuhay ang musika, hudyat na magsisimula na ang rampahan para sa episodyong ito.

“Ang kategorya ay: LED there be light! Rampa na! Paandar na sandosena!”

Hudyat nito, ay isa-isang naglabasan ang mga laking lalaki ngunit rumaparampa sa bihis na soberanya. Mula ulo hanggang paa, iba’t ibang palamuti ang kumikislap sa kanilang buto’t balat at bestida.

Ni hindi mo nga maaaring makalkula ang ginastos nilang para lamang sa paligsahan na ito. Gayunpaman, ang pinakamaganda’t hindi matatawaran ay ang kanilang mga ngiti habang rumarampa. Kasabay pa nito ang isa-isang pagtuktok ng mga takong.

Sa wakas, pagkatapos magpakitang gilas ang mga reyna, magsisimula na ang paghuhusga at pagbibigay-komento ng mga hurado. Naunang magsalita si Hesus para isa-isahin ang bawat reyna.

“Kimmy Loungvy!” ngiti ni Hesus sa unang kalahok. “Napakaganda ng iyong suot, ngunit napansin ko’y ayaw mo seryosohin ang sarili mo at ang iyong sining.”

Isang mahinang tango lang ang kayang maibigay ni Kimmy.

“Tignan mo ‘ko, ‘nak—ang ganda mo at kailangan mong makita ang kagandahan na ‘yan, ‘wag mong itago sa likod ng pagiging komedyante. Hindi lang pagpapatawa ang punto ng kapanganakan mo.”

Sumunod ang tingin Niya sa nakatabing reyna, si Jolly V. Magdangal.

“Wala akong masabi sa husay ng makeup mo, binibining Jolly!” palakpak ni Hesus. “Maraming oras ang nilaan mo para mahubog ang kasanayan ng pagpipinta ng mukha ngunit napansin kong hindi mo kayang makipagkasundo sa ibang mga kalahok.”

Hindi makaimik si Jolly V. Magdangal.

“Hindi madaling maging isang bading sa mundong ibabaw at lalo na maging isang drag queen ngunit ‘di mo kalaban ang mga kapatid mong reyna, sila-sila rin ang magtatanggol at magmamahal sa 'yo."

Nakatanggap din sina Kimmy Loungvy at Jolly V. Magdangal ng mga komento mula sa ibang mga hurado na sina Mary Quina, Zsa Huarma, Barbie Fordaferson, at Anne Dobo.

Sa wakas, isang reyna na lamang ang nangangailangan ng kritika. 

Si Penny Tencia, ang pinakabata sa buong programa. Siya rin ang kakaunti lang ang karanasan pagdating sa sining ng drag.

“Penny Tencia—bongga ng pangalan mo, ‘nak—hindi kasing linis ang drag mo kumpara sa iba at kitang-kita ko ‘yung takot mo habang rumarampa sa entablado.”

Sumandal nang pasulong si Hesus habang nagkokomento upang mas makita ang pagkatao ni Penny Tencia.

“Sa totoo lang po parang gusto ko nang magretiro sa pagtatanghal,” amin ni Penny Tencia. “Alam ko naman pong kontrobersyal ang drag ko at marami ang nagsasabing mali ang ginagawa ko, na kapag tinitignan ako ng ibang tao ay nakikita nila ang isang baklang dalasa.”

Nakakasakal ang katahimikan sa loob ng estudyo. Maiging sinuri muli ni Hesus ang suot at ayos ni Penny Tencia. Hindi kasingkintab ang abito ni Penny Tencia kumpara kay Hesus, isang tonong mas mapusyaw. Hindi rin kasing perpekto ang pagkakulot ng kanyang buhok, mga hibla’y nababalutan ng ilaw—halos mala-anghel ang dating.

“Anak, walang kailangang hilumin sa iyo,” marahang sagot ni Hesus. “Ang puso mo’y magiliw at punong-puno ng pagmamahal para sa mga tao sa paligid mo. Kung gusto mong tumambling at magsayaw-sayaw diyan—gawin mo, dahil wala kang inaapakan at walang makakapagdikta kung paano mo isasabuhay ang iyong pananampalataya’t sining.”

(Litrato ni Euxim Valonzo Garcia/Latag ni Kimberly Penaranda/FEU Advocate)