Kalinaw holds candle-lighting protest outside FEU
- June 17, 2017 22:22
FEU Advocate
September 29, 2023 08:49
Sa pagsalubong sa bagong taong panuruan, kargado pa rin ng mga Pilipino ang mga hamong bitbit ng lumulubhang kalidad sa sistema ng edukasyon. Nakababahala ang patuloy na lumalalang krisis ukol dito, at ang malaon na hamok sa pagpuksa ng mga napipisil na isyung pang-akademiko.
Buhat nito, inihain ang K-10 “MATATAG” Kurikulum o ang ”Makabagong kurikulum na napapanahon”; “Talino na mula sa isip at puso”; "Tapang na humarap sa ano man ang hamon sa buhay”; at “Galing ng Pilipino, nangingibabaw sa mundo”, upang paluwagin ang kasalukuyang siksik na programa.
Sa pag-alingasaw nito, sinakop ng kontrobersiya ang ipinakilalang lunas para sa ikahihilom ng sugatan na sistema. Ngunit, ito na nga ba ang nararapat hakbangin ng mga Pilipino sa pagtahak ng landas tungo sa kalidad na edukasyon?
Kung sisipatin ang mga kaganapan sa nakalipas na mga taon, bumaba ang grado ng mga Pilipinong estudyante sa larangan ng pamantikan at reading comprehension.
Sa katunayan, sa resultang inihain ng Programme for International Student Assessment 2018, dismayadong hinarap ng taong-bayan ang balitang pumangalawa ang Pilipinas sa pinakamababa ang marka sa reading comprehension.
Batid ng Senior Research Fellow na si Pam Robertson mula sa University of Melbourne, na sanhi ito ng siksik na kurikulum sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Sa panayam ng Rappler, nagsalig si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na nakokompromiso ang kasanayan ng mga estudyante kapag sobra ang bilang ng asignaturang inaaral sa isang taon.
Kaugnay naman nito ay ang paggugol nang labis na oras ng mga guro bunga ng limitadong panahon na magagamit nila sa pagtuturo.
Buhat ng mga pasanin na ito, nahahatak pababa ang abilidad ng mga estudyante na lumago buhat ng mga balakid sa kasalukuyang sistemang pang-edukasyon sa bansa.
Bunga ng mga bulalas na alingasngas, ito ang nag-udyok sa DepEd na simulan ang una nilang hakbang sa pagsulong ng proseso sa layuning makamit ang kalidad ng edukasyon.
Kaya naman pinaunlakan ng DepEd ang mungkahi ni Paterson na solusyunan ang siksik na K-10 kurikulum na kinakaharap ng bansa ngayon.
Nitong ika-10 ng Agosto lamang ay opisyal nang inilunsad ni Sara Duterte ang rebisadong bersyon ng K-12 na “MATATAG” kurikulum na naglalayon na i-liglig ang sistema.
Kung mahuhukay sa memorya, mahahalughog na nakatuon sa maraming paksa ang dating kurikulum, katulad na lamang ng Filipino, English, Mathematics, Araling Panlipunan, MAPEH, at Edukasyon sa Pagpapakatao.
Kung ikukumpara sa panibagong bersyon, marami ang tinanggal sa mga paksang ito upang paluwagin o gawing “decongested” ang siksik na sistema upang mapokus sa mga kasanayan na kailangan mapalago at mabigyang pansin.
Sa ulat ng PhilStar, humigit-kumulang 70 porsyento ng kasalukuyang kurikulum ang puputulin. Babawasan mula pito hanggang lima ang mga paksa sa mga naunang antas at sesentro sa Language, Reading and Literacy, Matematika, Makabansa, at Good Manners and Right Conduct (GMRC).
Ngunit, yumabong ang iba’t ibang haka-haka na babakbakin umano ni Duterte ang K-12 Basic Education Program nang pumutok ang balitang ito sa publiko.
Pinabulaanan naman ito ng Rappler sa pagsiwalat na malayo sa katotohanan ang mga impormasyong kumakalat at hindi aalisin ang nasabing kurikulum. Datapwat nilalayon nitong kumpunihin ang mga pagkalugi na natamo ng bansa sa sektor ng edukasyon sa mga nagdaang taon.
Paliwanag ni Bise Presidente Duterte, magbibigay-daan ito sa mga mag-aaral na tumutok sa kasanayan sa literatura, numero, at pag-unlad ng emosyonal na sosyo.
Mapaglalaanan din ng mas maraming oras ang mga pundasyonal na kasanayan tungo sa mas magandang resulta ng pag-aaral.
Mapupukaw din na idinagdag ang asignaturang Makabansa at Peace competencies. Sambit ng DepEd, tutuunan nito ang kamalayan sa kultura, nasyonalismo, at seguridad ng publiko.
Samantala, hindi na ituturo bilang isang paksa ang Mother Tongue ngunit gagamitin pa rin na midyum sa pagtuturo. Ang Filipino naman ay mananatili pa rin bilang asignaturang pangwika.
Ngunit sa kabilang dako ng isyu na ito, kinumpirma rin ng Direktor ng DepEd Bureau of Curriculum Development na si Jocelyn D.R. Andaya ang panawagan na ang "Diktadurang Marcos" ay magiging "Diktadura" na lamang para sa pagsasaayos ng kurikulum guide.
Balak na ipatupad ang bagong kurikulum sa pagyugto ng DepEd sa mga susunod na taon. Ang mga nasa kinder, baitang 1, 4, at 7 ay sa S.Y 2024-2025. Susundan ito ng mga nasa baitang 2, 5, at 8 sa 2025; pagkatapos ay 3, 6 at 9 sa 2026, at ika-10 baitang sa 2027.
Ayon sa panayam ng Inquirer kay Andaya, inaasahan na kumpleto na ang pagpapatupad ng bagong kurikulum sa taong 2028.
Ibinunyag din ni Andaya na ang bagong kurikulum ay sumailalim sa masusing public review, na nakakuha ng 96 porsyentong aprubal mula sa 4,843 na rumespunde. Binubuo ito ng mga estudyante, guro, may-ari ng paaralan, ahensya ng gobyerno, at ng mga pribadong organisasyon.
Kung iinspeksyunin ang mga impormasyong inilapat, mababakas na unang magiging epektibo ang MATATAG kurikulum sa mga pampublikong eskwelahan.
Sa panayam ng FEU Advocate kay Romavin Guillermo, isang Master Teacher I sa Angadanan National High School, inihayag nito ang kanyang pagsang-ayon sa pagbabago ng kanilang kurikulum.
“May mga subject na kung saan hindi naman siya essential sa mga bata, ngunit mayroon din namang mga topics sa MELCS na dapat mayroon ngunit wala ito. At ayon naman sa mga nag-SHS na nasa kolehiyo na ngayon ay may mga subjects sila na wala namang naitulong sa pagiging estudyante nila sa ngayon,’’ saad ni Guillermo.
Naglahad din ng saloobin hinggil sa kasalukuyang kurikulum si Grajocel Sibonga, isang grade 9 student sa San Bartolome High School. Wika niya, hindi niya maiwasan na mabigatan sa dami ng asignatura na kailangan niyang kabisaduhin araw-araw.
“The subjects are a lot po kasi, and nakaka-drain po talaga siya sometimes,” ani Sibonga.
Aprubado naman kay Sibonga ang pagrebisa ng kurikulum dahil naniniwala siyang hindi na kinakailangan pa sa mga susunod na panahon ang mga tinanggal na asignatura.
“I agree naman po dahil nagtanggal sila ng mga subjects, at iyong mga tinanggal naman po nila ay kadalasang hindi magagamit in the near future,” pakli nito.
Sa kabilang dako, nagpahayag naman ng pagpabor sa pagbabagong magaganap si Althea Tordil, second-year Communication student mula sa Far Eastern University, na mayroong nakababatang kapatid sa ika-2 baitang.
Gayunpaman, hindi niya mahinuha ang rason sa paglalagay ng ibang asignatura sa dulong baitang na maituturo naman sa mga unang taon sa pag-aaral.
“Doon sa peace competencies at Makabayan, medyo tagilid ako. Kasi mayroon naman na tayong GMRC at Araling Panlipunan sa mga dulong baitang. Iyong mga ituturo nila sa peace competencies at Makabayan ay matutuhan na rin ng mga bata sa GMRC at Araling Panlipunan. Kumbaga, parang dodoble lang kung parehas man ang topic outline,” sambit nito.
Nilatag pa ni Tordil ang rekomendasyon na sa halip na magdagdag ng mga bagong paksa ay dapat hindi na lamang tinanggal ang Mother Tongue sa bagong kurikulum.
“Dapat hindi na lang nila tinanggal ang Mother Tongue para mas bihasa pa rin sila sa paggamit ng sariling wika natin, lalo na sa mga mababang baitang. Sa henerasyon kasi natin, mas fluent na sa wikang Ingles ang mga bata,” mungkahi ni Tordil.
Sa huli, parehas ibig ni Sibonga at Tordil ang inihain na solusyon upang hamukin ang laban sa edukasyon. Mayroon man silang mga nabanaag na problema rito, ngunit para sa kanila, hindi maikakaila na hakbang ito patungo sa ikabubuti ng edukasyon sa bansa.
Kung kakalikutin ang kurikulum na ito, masisilip ang mga kaakibat nitong kahinaan at kalakasan.
Kung susuriin ang mga dating solusyon na inilatag ng DepEd, maihahalintulad ang MATATAG kurikulum sa ipinatupad din na “Most Essential Learning Competencies” (MELCs).
Hinubog ang MELCs noon upang buwagin ang isang masikip na kurikulum. Ngunit sa kasamaang-palad, puro depekto ang namuo rito imbes na lunas, dahilan upang mabalot ng agam-agam ang karamihan na maulit ang naging hamon noon sa MELCs.
Sa kabilang banda, dismayado rin ang ilan sa pagbukana ng balita na hindi na isang ganap na asignatura ang Mother Tongue sa kalagitnaan ng paggunita ng Buwan ng Wika noong Agosto.
Sapagkat sa henerasyon na mas kaya nang bigkasin ang wikang Ingles, makatutulong ito sa mga estudyante na mas lubusan pa na makilala ang sarili nilang wika, pasulat man o pabigkas.
Ngunit hamok naman ni DepEd spokesman Undersecretary Michael Wesley Poa sasalungguhitan ng kurikulum ang paglinang ng mga kasanayan sa komunikasyon at sa wikang mauunawaan ng mga mag-aaral.
Subalit kung lilimlimin, hangad na benepisyo ng bagong kurikulum na ito ay ang mapaunlad ang kaalaman ng mga mag-aaral, mapahusay ang kanilang mga kasanayan at talento, at magkaroon ng makabuluhang karanasan sa pag-aaral na magpapalakas sa kanilang katalinuhan.
Datapwat kinakailangan pa nito ng masusi at mabusising pag-aaral sa kadahilanang hindi naman ito isang sukat ng pag-unlad para sa lahat ng Pilipino. Samakatuwid, nawa ay ang mga pagbabago na ito ang magpapahulma sa kanila na maging malago at mahusay na indibidwal.
Sa diskursyong edukasyon, tunay ngang lubos pa ang kailangang gamutin dahil sa taunang pag-usbong ng mga ganitong balakid.Ngunit sa bawat kalendaryong pinupunit, mayroong hakbang patungo sa ikauunlad nito—sa landas ng magandang kalidad na kinakailangan ng mga estudyante upang maabot ang rurok ng tagumpay.
-Jasmien Ivy O. Sanchez