NSTP & COMREL’s Tree Hugging initiative to prompt green ventures
- March 01, 2024 18:41
FEU Advocate
July 07, 2024 12:02
Ni Andrea Dulay
Sa marahang haplos ng mga kamay na nagbibigay kalinga para sa ikabubuti ng mga Pilipino, ang siyang hindi nabibigyan ng sapat na pangangalaga. Kaya para sa ilan, nakikita ang kalayaan hindi sa sariling bayan kun’di sa banyagang lupain na mas may pagpapahalaga sa kanilang larangan.
Minsan sa isang pamilyang Pilipino, may mga pusong nangarap na makipagsapalaran sa larangan ng medisina. May mga nag-aasam na maging nars o doktor kaakibat ng paniniwalang makalalaya mula sa kahirapan ang kanilang mga pamilya.
Ngunit ang kalayaang ito ay mistulang hindi mahanap-hanap sa sariling bayan.
Kakapusan ng mga lingkod sa sariling bayan
Ika nga nila, ang kalusugan ay kayamanan. Yaman din kung maituturing ang mga lingkod pangkalusugan dahil malaking salik ito sa pagpapaunlad ng ekonomiya, ngunit maging sila ay hindi maalagaan ng gobyerno nang sapat.
Paulit-ulit naririnig ang hinaing ng health workers sa bansa na taasan ang sahod at ayusin ang mga pasilidad. Sa bawat nagdaang administrasyon, hindi malupig-lupig ang dagok na kanilang kinahaharap.
Sa kadahilanang ito, marami ang naghahangad na magtrabaho sa ibang bansa dahil mas napupunan nito ang kaginhawaan na sana’y nilalaan sa kanila ng ating gobyerno.
Inanunsyo nitong Mayo ni Kalihim Teodoro Herbosa ng Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health o DOH) na kulang sa humigit ng 190,000 health workers ang bansa.
“I am asking the nurses to choose the Philippines (Hinihiling ko sa mga nars na piliin ang Pilipinas),” sambit ni Herbosa sa ginanap na press briefing sa Palasyo.
Ayon sa kalihim, kasalukuyang inaayos ng gobyerno ang mga programa gaya ng pagbibigay subsidy, karagdagang paaralang pang-medisina, at iba pa upang maibsan ang kakulangang ito. Ngunit sa kabila nito, lantaran magpahanggang ngayon ang kawalan ng kaayusan sa implementasyon ng mas epektibong sistema para sa sektor ng kalusugan.
Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens ang balitang ito mula sa DOH. Marami ang nagpahiwatig ng simpatya para sa mga kababayang mas pinipili ang maghanap-buhay sa ibang bansa.
Kaakibat nito ay ang suhestiyon ng dagdag sahod at benepisyo na matagal nang hinihiling ng health workers.
Mayroon ding mga nagtaka kung saan daw ba napupunta ang libu-libong pumapasa sa board exams at bakit nagkukulang sa mismong bansa.
Nabanggit din sa programang Oras ng Bayan ng Radyo Veritas DZRV 846 ang nasabing isyu. Ayon kay Robert Mendoza ng Alliance of Health Workers, walang pinagbago ang nakalulungkot na lagay ng health workers bago at matapos ang pandemya.
“Kalunos-lunos pa rin ang kalagayan ng ating mga health workers sa kasalukuyan kasi wala pang pandemya at saka nagkaroon ng pandemya, ngayong post-pandemya (pagkatapos ng pandemya), gano’n pa rin ang kalagayan ng ating mga health workers sa usapin ng malalang understaffing (kakulangan ng manggagawa), mababa ang sahod, ta’s contractualization, at mababang badyet ng ating usaping kalusugan,” ani Mendoza.
Walang kalayaan hanggang sa kasalukuyang taon ang mga lingkod pangkalusugan mula sa patuloy na laban para sa mas makatarungang sahod at benepisyo.
Pandaigdigan ang pagkilala sa Pilipinong health workers dahil sa kanilang kalidad na serbisyo at talento.
Nakadidismayang isipin na ang mismong bayang nagsilang sa mahuhusay na mga indibidwal ay hindi maibigay ang pagpapahalaga at gantimpalang sapat upang sila ay manatili.
Panaghoy ng mga bayang lingkod
Plano ng pamahalaan na paigtingin ang mga programa para sa health workers bilang aksyon upang mahikayat ang mga lingkod pangkalusugan na manatili at maglingkod sa bayan.
Ayon kay Herbosa, nakikipag-ugnayan ang DOH sa iba’t ibang kagawaran upang matugunan ang pangangailangan ng health workers.
Kasama rito ang pagbibigay ng sapat na subsidy o tulong pinansyalupang makakuha ng sariling health insurance ang health workers kasama ang kanilang mga pamilya.
Mayroon ding inihaing probisyon na maaaring magbigay ng housing benefits o pabahay sa lingkod pangkalusugan.
Ang mga inilahad na programa ay ilan lamang sa mga hiling na noon pa’y ipinaglalaban ng mga lingkod pangkalusugan. Matatandaang mas lalong naramdaman ang kakulangan ng aksyon ng gobyerno sa sektor ng kalusugan noong nagdaang pandemya.
Umabot sa kalsada ang panaghoy ng health workers noong kasagsagan ng COVID-19. Gaya ng panayam sa isang nars na si Nico Oba noong pandemya, ang mga naging pangakong benepisyo ng gobyerno noon ay hindi pa naibibigay at sila pa mismo ang nakikiusap.
"The government promised it will give the benefits today [ikauna ng Setyembre] but up to now, it has not. I pity us because we are the ones begging (Nangako ang gobyerno na ibibigay nila ang mga benepisyo pero wala pa rin hanggang ngayon. Naaawa ako sa amin kasi kami pa ang nagmamakaawa)," ani Oba.
Natapos ang pandemya, hindi pa rin nahahatid ang benepisyo para sa frontliners.
Ayon kay Kalihim Amenah Pangandaman ng Kagawaran ng Badyet at Pamamahala (Department of Budget and Management o DBM), mababayaran ang health emergency allowance ng mga health workers noong pandemya sa taong 2025.
Ikinalungkot naman ni Roel Pahati, pangulo ng Makati Medical Center Union, ang nagiging trato sa health workers matapos ang COVID-19 pandemic.
“Masakit po ‘yon kasi po no’ng may mga sakit po ang mga Pilipino, priority namin kayo lahat. Naiiyak kami kasi para kaming namamalimos,” sambit ni Pahati sa midya.
Katuwang sa pagpapalaya mula sa pandemya ang health workers–itinuturing silang mga bayani na naging sandigan ng bayan sa panahon ng unos dala ng COVID-19.
Ngunit, sa kabila ng kanilang sakripisyo, silang mga lingkod ay hindi makakuha ng tamang suporta nang sila naman ay makaahon din sa hirap.
Para sa mapagpalayang kinabukasan
Malaki ang gampanin ng mga susunod na henerasyon sa sektor ng kalusugan. Inaasahang sila ang magtutuloy ng adbokasiyang maglingkod sa sariling bayan.
Dahil sa patuloy na ugong ng isyu sa sahod at benepisyo ng health workers, nakipanayam ang FEU Advocate sa ilang mga estudyanteng nasa larang ng medisina.
Sa obserbasyon ni Jho-Anne Balagoza, nasa programang Biology sa Ateneo De Manila University, hindi sapat ang sahod na natatanggap ng health workers kung ihahalintulad sa mga gastusing binabayaran sa pag-aaral ng nasabing larangan.
Balak niyang kumuha ng masters at pagsasanay sa ibang bansa pagkatapos ng kanyang degree sa Biology. Sunod nito ay babalik siya sa Pilipinas upang maibahagi ang kaniyang mga natutunan.
“Ang ideal plan, ano, to study abroad and have experience abroad (mag-aral at magsanay sa ibang bansa). Kasi alam naman natin mas advance technology nila pero balak ko after I gain experiences is to go back here sa Philippines (pagkatapos ko makakuha ng mga kasanayan ay babalik ako sa Pilipinas), and i-apply ‘yung mga natutunan ko from other country (mula sa ibang bansa) pero kita-wise (sa konteksto ng sahod), mas maganda opportunity abroad…” ani Balagoza.
Mungkahi rin ng Atenean ang mas mataas na pasahod at mas maayos na mga kagamitan sa mga ospital.
“Unang-una yung sahod pero kulang din kasi ‘yung support from government to fund the health sector (suporta mula sa gobyerno upang mabigyan ng pondo ang sektor ng kalusugan) lalo na nagkaloko-loko sector natin like PhilHealth… benefits din na maging equal (pantay) sa binubuhos na work ng health workers, at saka sa public hospitals (pampublikong ospital). Minsan kulang equipments kaya hirap maghirap magtrabaho ng gano’n,” dagdag niya.
Hindi rin kasapatan ng sahod ang nakikitang problema ng isang mag-aaral ng Sikolohiya mula sa Far Eastern University (FEU) Manila na si Kathleen Ramos.
“Up until today (Hanggang sa kasalukuyan) naman hindi masyadong na-address ‘yung concerns (mga hinaing) ng mga frontliners including being strained, underpaid, short-staffed and all (maging ang kagipitan, kaliitan ng sahod, kakulangan sa mga tauhan, at iba pa)...‘Yung health system natin pahirap and disproportionate to every region making it inaccessible, especially sa mga nasa laylayan. Ang daming lantarang korupsiyon at palakasan; which should be called out kasi, these are factors that hinders our system advancement (Pahirap ang sistema at hindi pantay sa bawat rehiyon kaya pahirapang makakuha ng tulong, lalo na sa mga nasa laylayan. Ang daming lantarang korupsiyon at palakasan na dapat pinupuna sapagkat hadlang ito sa pagpapaunlad ng sistema),” diin ni Ramos.
Dagdag pa ng Tamaraw na bukod sa pagkilala, mahalaga ring pagtuunan ng pansin ang edukasyon, batas at regulasyon, at kalidad ng mga kagamitan para sa mas maayos na sistemang pangkalusugan.
“When there is an opportunity to thrive and individuals are cared for, people are bound to stay and operate productively (Kung may oportunidad na umunlad at ang bawat isa ay inaalagaan, mananatili ang mga tao at sila ay mas magiging produktibo),” sambit ni Ramos.
Hindi maaninag ang hangganan sa siklo ng panaghoy at panlilimos na ang sakripisyong inilalaan para sa kalusugan ng bayan ay masuklian ng pantay na kalinga. Nakalulungkot na mas nabibigyang halaga ng mga dayuhan ang itinuturing na mga bayani ng bayan.
Imbis na tamis ng ginhawa ang hatid para sa sariling pamilya, pait ng kapabayaan ang nadarama sa sariling lupaing kanilang inalagaan.
Ito ang nagtutulak sa kanilang libanin ang lupang kinagisnan para sa mas 'maaasahang' kinabukasan.
Ang ating bansang kinagisnan na dapat nagpapayabong sa kanilang pamumuhay ay siya pang naninikil at nagsisilbing tanikala sa pag-asenso ng sari-sarili nilang pamilya't pamumuhay. Mapukaw nawa ang mga pinuno ng bansa na silang makapagbubukas sa sistemang nagpabilanggo sa mga pusong nangangarap. Ang pagbabago ay nakasalalay sa tugon ng may kapangyarihan sa hiling ng madla, higit ng mga nasa sektor ng kalusugan, ang tanging makapagpapalaya para sa mga bayani ng bayan.
(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)