
11th Musica FEUROPA innovates with original piece
- May 27, 2019 11:35
FEU Advocate
March 03, 2025 19:53
Hindi naman sa hindi ko naiisip ‘yun, alam mo ba? Hindi naman sa gusto kong tumanggap ng maruming pera—na nasisiyahan ako na balewalain kung ano ang sa eleksiyon ay sagrado at mahalaga. Alam ko naman ang sinasabi ng ibang tao tungkol sa amin—na wala kaming pakialam sa bansa, na hindi kami edukado, at kami ang dahilan kung bakit hindi umuunlad ang Pilipinas.
Pero hindi naman kasi nila alam kung ano ang buhay rito.
Hindi nila alam kung gaano kabigat sa pakiramdam na tiisin ang kahirapan. Hindi nila alam ang mga gabing nakatitig ka lang sa dingding, nagtatanong kung kaya pa bang pagkasiyahin ang kinita mong pera para may sapat kang makakain ngayong gabi. Kapag walang maayos na trabaho o ‘di kaya’y bitin ang suweldo—wala nang maipon kasi nauubos kaagad. Mapapaisip ka talaga kung mali nga bang umasa na magbabago pa ang sitwasyon.
Hindi nila nakikita ang mga politiko na narito lamang kapag malapit na ang eleksiyon, puno ng ngiti at pangako at bigla na lang mawawala pagkatapos ng halalan. Hindi nila nakikita kung paano nagpadadala ng mga tauhan ang mga politikong ‘yan sa bawat kanto; kumakatok, nag-aabot ng katiting na perang tila hulog ng langit, basta makasiguro lang na sa kanila ang boto namin. Hindi nila nakikita ang banta sa mga mata nila. Hindi nila nararamdaman ang mga tingin na nagsasabing, “Sundin mo ang gusto namin, kung ayaw mong mapahamak.”
Hindi lang ito tungkol sa pera, maniwala ka.
Ako mismo, alam kong hindi sapat ang walong daang piso para ibenta ang dignidad ko. Pero kapag pagod ka nang mag-isip kung may makakain ka pa kinabukasan, palalampasin mo pa ba ang minsang pagdalaw ng ginhawa?
At sa totoo? Wala na ngang magawa ang ilan sa amin. Sa pagtanggap ng pera, nawawalan kami ng dignidad, pero sa pagtanggi nito, nawawalan naman kami ng kasiguraduhan sa’ming buhay at kaligtasan.
Walang katarungan dito.
Wala, ni kapiraso.
Sabi nila ay dapat mahalin namin ang bansa, na dapat naming gustuhin ang magandang kinabukasan. Siyempre, gusto rin namin! Sino ba namang hindi, ‘di ba? Pero paano ko iisipin ang kinabukasan kung hindi ko nga alam kung makararaos pa ba ako bukas? Paano ko tatanggihan ang pera kung alam kong wala akong makakain sa mga susunod na araw?
Hindi ko gustong gawin ‘to.
Alam kong marumi ang lahat. Isa lang akong kasangkapan sa laro nila—isang boto, isang numero. Ngunit minsan, napipilitan tayong gawin ang mga bagay na hindi natin ikinatutuwa para lang mabuhay. At kung ang pagtanggap sa perang ‘yan—ang pagboto ng ayon sa gusto nila—ay ang tanging paraan upang makatulog nang mapayapa ngayong gabi, gagawin ko ito.
Kahit husgahan ako ng mga tao: tawagin akong inutil, sabihing wala akong pakialam sa bayan ko. Pero nasaan ba sila noong walang-wala ako? Nasaan sila noong nangangailangan ako? Noong naghahanap ako ng kahit kaunting pag-asa?
Hindi ko ipinagbibili ang aking boto—ipinagpalit ko lang sa pagkakataong mabuhay pa bukas.
- Je Rellora
(Dibuho ni Iya Maxine Linga/FEU Advocate)