Bakit May Bastos Sa Batasan?

FEU Advocate
March 23, 2026 14:40


Hindi mo na maitatago pa.

Kahit anong plantsa mo sa iyong barong, kahit gaano mo pa banatin ang ngiti sa harap ng mikropono: umaalingasaw pa rin ang iyong amoy. 

Hindi ito amoy ng serbisyo. 

Hindi ito amoy ng batas o dangal.

Amoy ito ng isang nakababaligtad-sikmura’t kasuklam-suklam na manyak.

Narinig namin ang mga salitang binitiwan mo.

Huwag mo kaming gawing mangmang. Hindi iyon isang biro. Bagkus isang pagbubunyag—ng iyong makamundong pagnanasa; ng salaula mong paniniwala na ang dignidad ng babae ay hindi hihigit sa kaniyang katawan.

Huwag mo nang subukang itanggi pa, malibog ka lang talaga. At ang kalibugan mo ay walang lugar sa politika.

“May desire sa loob kong nag-init talaga.” Puwes, ang ulo ko rin ay nag-iinit na.

Sa isang iglap, nagmistulang isang madilim na eskinita ang batasan. Naging sisidlan ng pagnanasa ang mikropono na dapat ay nagdadala ng mga panukala para sa kapakanan ng bayan. Nilamon ng mga salitang malagkit ang bulwagan na dapat ay lugar ng talino at dangal—dumidikit sa hangin ang malisya at kumakapit sa balat ng bawat babaeng nakarinig.

Ang iyong mga salita ay hindi lamang basta lumapat sa mikropono.

Sila’y nagmistulang mabibigat na mga kamay na minomolestiya ang dignidad ng kababaihan; tila maiinit na palad na nanghihimasok sa espasyong dapat sana’y ligtas para sa kanila. Ganiyan manlapastangan ang mga labi ng misohinya at patriyarka: dumudura sa iyong pagkatao; humahalik sa ideya na ang mga babae ay kasangkapan lamang ng kanilang imahinasyon—sa kanila para angkinin; sa kanila para babuyin.

Bakit may bastos sa batasan?

Nariyan sila dahil may sistemang hinahayaan silang manatili. Isang institusyong matagal nang natutong magtakip-ilong. Isang bulwagang nagbubulag-bulagan habang ang ilang bibig ay ginagamit ang kanilang boses hindi upang magsulong ng batas, kung hindi upang iluwa ang mga pantasyang nagpapaliit sa kababaihan.

Dahil sa loob ng mga pader na iyon, may mga lalaking lumaki sa paniniwalang may lisensiya silang mang-angkin ng katawan ng babae sa kanilang mga tingin, ‘biro,’ o salita. Para bang ang kanilang mga posisyon ay nagbibigay-pahintulot na gawing laruan ang dignidad ng iba.

At habang walang naniningil, habang walang tunay na pananagutan, patuloy nilang inaakalang normal lamang ang kanilang baho.

Unti-unti itong kumakapit sa bawat sulok ng bulwagan—sumisingaw sa pagitan ng mga upuan, gumagapang sa mga mesa, at dumidikit sa malamig na metal ng mikroponong nagmimistulang instrumento ng kanilang kamanyakan.

Ang amoy ng kapangyarihang hindi marunong rumespeto. 

Ang amoy ng sistemang hinayaang manatili ang mga bastos sa batasan.

- Valerie Rose V. Ferido 

(Latag ni Phoemella Jane Balderrama/FEU Advocate)