Bayanihan sa Lansangan: Pagkupkop sa mga Hayop na Nangangailangan
- August 01, 2022 08:16
FEU Advocate
August 25, 2024 16:15
Ni Vince Matthew Jaramilla
Pinamunuan ni opposite hitter Faida Bakanke ang Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws upang mangibabaw laban sa Colegio de San Juan de Letran (CSJL) Lady Knights, 25-16, 25-22, 25-15, sa 2024 V-League Women’s Collegiate Challenge ngayong araw, ika-25 ng Agosto, sa Paco Arena sa Lungsod ng Maynila.
Iprinoklamang Best Player of the Game ang foreign student-athlete matapos magtala ng 17 attacks at isang block.
Sa simula ng laro, mabilis naungusan ng green-and-gold squad ang kalaban dala ng limang maagang attacks at isang ace, 8-3.
Lumago ang kalamangang ito nang doble ng iskor ng Letran sa tulong ng 11 FEU attacks pagpasok ng ikalawang technical timeout ng unang set, 16-8.
Matapos ang pahinga, naging dikit ang palitan ng dalawang koponan ngunit masyado nang malayo ang agwat ng magkatunggali kaya’t nanaig ang Lady Tamaraws kontra Lady Knights, 25-16.
Nangibabaw agad sa unang set si Bakanke na may limang attacks at isang block upang simulan ang laban.
Nagtuloy-tuloy ang gitgitan sa iskor hanggang sa kalagitnaan ng ikalawang set, 13-all. Sa kabila nito, isang 3-0 run ang ipinamalas ng Morayta squad bago ang ikalawang technical timeout, 16-13.
Nanatiling malapit ang iskor ng laban matapos ang timeout at muli pang napaliit ng Letran ang lamang, 22-21, sa pamamagitan ng isang 4-0 run.
Sa kabila nito, tinapos ng bagong pasok sa court na si Lady Tam outside hitter Chenie Tagaod ang set mula sa mabilisang pagtala ng dalawang attacks, 25-22.
Sa ikatlong set, wala pa ring humpay ang opensa ng Lady Tamaraws kung kaya’t napilitan tumawag ng pahinga ang Lady Knights, 10-6.
Gayunpaman, dobleng puntos ng CSJL ang naging iskor ng FEU matapos nilang hatawan ng 14 attacks ang katunggali, 20-10. Dahil dito, ginamit na rin ng Letran ang kanilang huling timeout sa set.
Hindi na napigilan ng Intramuros ang Morayta at nagkaroon ng 19 total attacks sa frame upang tuldukan ang tunggalian, 25-15.
Sumunod sa pagbuhat ng opensa si outside hitter Gerzel Petallo na may pitong puntos mula sa dalawang attacks at limang aces. Tumulong din sina Tagaod at middle blocker Jean Asis na parehong nagtala ng anim na puntos.
Dala ng pagkapanalo, positibo na ang win-loss record ng FEU, 3-2. Susubukan nila itong panatilihin sa huling elimination game kontra Emilio Aguinaldo College sa ikawalo ng Setyembre sa parehong lugar.
(Litrato mula sa V-League)