Bagong learning modality ng FEU, umani ng puna dahil sa mabagal na anunsiyo

FEU Advocate
August 15, 2025 19:32


Ni Art Santiago

Nakatanggap ng batikos mula sa mga estudyante ang mabagal na anunsiyo ng Far Eastern University (FEU) tungkol sa bagong learning modality para sa taong panuruan 2025–2026 na inilabas lamang noong ikasiyam ng Agosto, ilang araw bago ang opisyal na pagsisimula ng klase.

Tinalakay sa Student Blended Learning Toolkit ang layunin ng bagong paraan ng pagkatuto na umayon sa nagbabagong pangangailangan ng akademya at matiyak ang mas flexible at dekalidad na edukasyon para sa lahat ng mag-aaral.

Nilalaman din ng anunsiyong ito ang mga patakaran at alituntunin kaugnay sa pagpapatupad ng blended learning, kabilang ang karagdagang impormasyon kung ano at paano ang magiging takbo ng bagong kaayusan ng klase, paraan ng pagsusulit, at ilang mahahalagang detalye tungkol sa Wellness and Recreation Program (WRP) at Physical Activities Towards Health and Fitness o PATHFit.

Noong Abril, nagsimula ang Administrasyon na magpasarbey at maglunsad ng mga town hall meeting kasama ang mga lider-estudyante tungkol sa usaping blended learning.

Unang ipinabatid ang ideya ng hybrid setup sa komunidad ng FEU noong nakaraang taong panuruan matapos ang implementasyon ng asynchronous learning at independent learning week sa Institute of Arts and Sciences at Institute of Education, pati na rin sa mga asignatura sa ilalim ng General Education at WRP.

Pangamba ng mga estudyante

Idinaing ng mga estudyante ang huling minutong anunsiyo ng Pamantasan ilang araw bago ang opisyal na pagsisimula ng klase at pagkabahala sa bagong learning setup.

Sa magkahiwalay na panayam ng FEU Advocate, inireklamo ng mga second-year na mag-aaral ng Communication na sina Sevi Navoa at Precious Pallan ang kakulangan ng konsultasyon sa mga estudyante hinggil sa isyu ng hybrid learning.

They should’ve given it more thought and listened to the students’ concerns. This isn’t a minor decision and can affect students’ learning (Dapat sana ay mas pinag-isipan nila itong mabuti at pinakinggan ang hinaing ng mga estudyante. Hindi ito simpleng desisyon at maaaring makaapekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral),” saad ni Navoa.

Dagdag pa niya, dapat ay mas aktibong kinonsulta ang mga estudyante at nagkaroon ng mas matinding pagsusuri bago ipatupad ang naganap na pagbabago.

The admins should've listened to the students as we are the ones directly experiencing the changes (Sana pinakinggan ng mga administrador ang mga estudyante dahil kami ang direktang nakararanas ng mga pagbabagong ito),” giit ni Navoa.

Binigyang-diin din ni Pallan na dapat noong nakaraang taon pa ipinagbigay-alam ang isyu upang makapaghanda o makapagdesisyon ang mga estudyante tungkol sa blended modality.

I think the students should have been informed as early as the second semester of the previous school year so we could prepare in advance or para makapag-decide kung anong gagawin if hindi kami in favor sa change (Sa palagay ko ay dapat ipinaalam na ito sa mga estudyante noong ikalawang semestre pa lamang ng nakaraang taong panuruan upang makapaghanda kami nang mas maaga o makapagdesisyon kung sakaling hindi kami pabor sa pagbabago),” giit niya.

Matatandaang nagsagawa ang FEU Central Student Organization ng TamsCheck sarbey noong Hunyo, kung saan mula sa 345 estudyanteng nakilahok ay 43.5 na porsiyento ang pabor at 56.24 na porsiyento naman ang kumontra sa hybrid learning modality.

Salungat sa pananaw ng ibang mga estudyante, ipinahayag ng second-year na mag-aaral ng Political Science na si Jamaica Añonuevo na bagama’t may sapat na oras ang abiso, naniniwala siya na mas mainam pa rin kung mas maaga itong ipinaalam sa mga Tamaraw.

“Sa kabuoan, malinaw ang anunsiyo at ginamit nila ang iba’t ibang communication channels tulad ng email, social media, at official website. Gayunpaman, may ilan pa ring estudyante na nalito sa detalye ng schedule at requirements,” ani Añonuevo.

Posibleng epekto

Ipinabatid ni Añonuevo na mas magiging epektibo ang implementasyon ng blended learning kung binibigyang-halaga ang pananaw ng mismong gumagamit ng sistema—ang mga estudyante at guro.

“Mas magiging epektibo ang pagpapatupad ng pagbabago kung kinukuha rin ang feedback ng mismong gumagamit at nakakaranas ng sistema at ito ay ang mga estudyante at guro,” anito.

Ipinahayag din ng mga nakapanayam ang mga hamong maaaring harapin ng mga estudyante sa ganitong klase ng pag-aaral, mula sa social media distractions hanggang sa internet connectivity at device access.

Bagama’t marami ang pagtutol na naganap, nakikita rin naman ng ilan ang potensiyal na benepisyo ng bagong learning setup.

Ayon kay Navoa, dahil mas kontrolado na ng mga estudyante ang kanilang oras, posibleng mabawasan ang academic pressure na nararanasan ng mga mag-aaral.

Sinang-ayunan naman ito ni Pallan kung saan nakikita niyang mas makatutulong ito sa mga kursong may mabibigat na workload.

For students in programs with heavy workload, malaking tulong sa kanila ang implementation na ito (Para sa mga estudyanteng may mabigat na akademikong gawain, malaking tulong sa kanila ang implementasyon nito),” wika ni Pallan.

Naniniwala naman si Añonuevo sa posibilidad na mas magiging independent learners ang mga mag-aaral dahil sa bagong pamamaraan ng pag-aaral.

“Inaasahan kong mas magiging independent learners ang mga estudyante at mas matututo silang mag-manage ng oras at gawain kahit nasa bahay,” ani Añonuevo.

Ipinarating din ni Navoa ang posibilidad na maaaring maging mas responsable ang mga mag-aaral sa pamamahala ng kanilang mga oras.

“Makatutulong ito sa mga estudyante na mas maging responsable sa kanilang oras, at makapag-aral sa kanilang sariling pamamaraan,” dagdag niya.

Panawagan sa administrasyon

Sa kabila ng pangamba at hinaing ng mga estudyante, iisa lamang ang kolektibong panawagan ng karamihan sa administrasyon ng Unibersidad, ang mabawasan ang mga bayarin sa pamamagitan ng muling pagsusuri sa matrikula, lalo na sa harap ng pagbabago ng learning modality.

“Sana ay patuloy silang makinig sa feedback ng estudyante at magbigay ng mas malinaw na guidelines at support system, tulad ng tech assistance at mental health support, para maging mas maayos ang transition. Hangad ko rin na sana ay magkaroon ng konsiderasyon at reassessment sa tuition fee dahil hindi naman masyado na-utilize at na-maximize ang paggamit sa campus at equipment dahil sa bagong learning modality,” paglalahad ni Añonuevo.

Opisyal nang nagsimula ang klase para sa taong panuruan 2025–2026 noong ika-11 ng Agosto, kasabay ang pagpapatupad ng bagong learning modality sa Unibersidad.

(Kuha ni Ma. Louela Luna/FEU Advocate)