Babae ang Bukas

FEU Advocate
March 10, 2025 18:35


Ni Jasmien Ivy Sanchez

Isang bangungot ang maging babae sa mundong pinipigilan kang mangarap.

Musmos pa lang ako, sinanay ko nang mangarap nang malaki. Maging inhinyero, manunulat, abogado, piloto—anumang bagay na magbibigay-saysay sa aking pag-iral.

Hindi ko alintana ang mga tinig na nagtatangkang idikta ang aking hangganan. Sa puso ko’y matibay ang paniniwalang walang sinuman ang makapaghuhubog ng landas na ako mismo ang humahabi para sa sarili ko.

Ngunit sa bawat hakbang ko palayo sa mundong aking kinagisnan, natutuklasan ko ang mga leksiyong hindi itinuro sa aklat. Ang babaeng lumampas sa hangganang itinalaga para sa kaniya ay agad na pipigilan at ilulugmok sa anumang paraan.

Sa mata ng lipunan, ang aking kapalaran ay matagal nang itinakda sa mga salitang hindi ako ang may-akda—walang mararating, walang karapatang mangarap, at walang puwang sa mundong ginawa lamang para sa mga kalalakihan.

Hindi pa man lumalapat ang mga paa ko sa tuktok, pinandidilatan na ako ng lipunang hindi kailanman naniwala na may puwang ako roon. Sapat na raw ang maliliit na pangarap, ang pagiging tahimik, ang pagtanggap sa kung anong ibigay sa akin. Sapagkat, ang babae raw ay nilikhang mapagparaya—hindi naghahangad ng higit pa.

Sa bawat pagpupursigi kong umangat, lalo namang humihigpit ang tanikala ng pamantayan nilang pilit akong pinayuyuko. Dapat daw akong maging mahinahon kahit ginugupo na ng pagod; maging masipag ngunit hindi masyadong matagumpay upang hindi maging banta; at magkaroon ng paninindigan ngunit hindi labis upang hindi maging hadlang sa mundong nais akong maging sunod-sunuran.

At sa tuwing susubukan kong ipakita na kaya ko, mas lalo nilang tinatabasan ang aking pangarap hanggang sa maging kasing-liit na lamang ito ng mundong ipinahintulot nila sa akin.

Sa bawat araw na lumilipas, natutuhan kong paliitin ang pangarap, bawasan ang sigasig, patayin ang apoy sa puso ko. Kung mas maliit ang pangarap, mas kaunti ang sakit ng pagkadurog. Kung mas mababa ang inaasahan, mas madali ang pagtanggap ng kabiguan. At sa dulo, ako na mismo ang bumubuo ng sarili kong hawla.

Ngunit, hindi ba mas malaking kasalanan ang hayaan silang putulin ang aking mga pakpak? Hindi ba mas matinding pagkatalo ang magpailalim sa mundong ayaw akong tanggapin? Hindi ba mas dapat kong igiit ang aking puwang sa mundong pinagkakaitan ako ng espasyo?

Kaya naman hindi ko na hahayaang mabulok sa alabok ang pangarap na minsan kong ipinaglaban. Hindi ako magpapasakal sa mundong takot sa malayang babae.

Hindi ako takot. Hindi ako ang dapat matakot. Kung hindi ang lipunang ayaw makitang magtagumpay ang isang babae—isang sistemang nangangatal sa ideyang kaya kong pumantay, lumampas, at hindi kailanman luluhod sa mga itinakda nilang limitasyon.

Hindi ko hahayaang ikahon ako sa mundong masyadong makitid para sa aking pangarap. At kung ipipilit nilang ang abutin ang langit ay hindi para sa akin, ako mismo ang magtatayo ng sarili kong daigdig.

(Dibuho ni Erika Marie Ramos/FEU Advocate)