FEU lauds 362 graduands with Latin honors, other awards
- July 04, 2024 19:46
FEU Advocate
August 16, 2022 09:20
Balik-aksyon na si Cholo Añonuevo matapos niyang tulungan ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws na masungkit ang panalo kontra Jose Rizal University (JRU) Heavy Bombers, 76-42, sa 2022 Filoil EcoOil Preseason Cup na ginanap sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City noong Agosto 15.
Maaalalang nagkaroon ng mid-right foot injury si Añonuevo halos limang buwan na ang nakakaraan matapos ang kanilang unang laro sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) season 84 basketball tournament laban sa University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers.
Sa isang panayam, ipinahayag ni Añonuevo na naging mahirap para sa kanya noong hindi siya makalaro at masaya siyang muling makasama ang kanyang koponan kung saan nasungkit nila ang pagkapanalo sa laro.
“It’s good to be back with my teammates competitively… It was hard for me to be on the sidelines just watching them and not do anything (Masaya na bumalik kasama ang aking mga kasamahan sa koponan upang makipag kompetensya… Mahirap para sa akin [noon] na nasa gilid lang na nanonood sa kanila at walang ginagawa),” ani Añonuevo.
Sa simula ng laban, maagang nakabuo ng kalamangan ang green-and-gold squad at hindi na muling lumingon para mapalobo ang agwat sa 36 na puntos sa simula ng ikaapat na canto, 66-30.
Kolektibo ang pinakitang opensa at depensa ng mga Tamaraws sa kabuuan ng laro na pinangunahan ng 11 puntos ni Xyrus Torres at siyam na rebounds ni Cedrickh Ona.
Samantala, nagtala si Añonuevo ng tatlong puntos, anim na boards at isang dime sa kanyang pagbabalik.
Ipinahayag naman ni FEU Head Coach Olsen Racela na masaya ang coaching staff at ang mga manlalaro sa ipinamalas na laro kontra JRU.
“The coaching staff, I’m sure all of the players are also happy with the win, with the way we played more importantly (Ang coaching staff, sigurado ako na pati na rin ang mga manlalaro ay masaya sa pagkapanalo lalo na sa kung paano kami naglaro [ngayon]),” ani Coach Racela.
Umangat ang FEU Tamaraws bilang pangatlong koponan sa Group B team standings na may 4-3 win-loss record.
Hinihintay na lamang ng Morayta cagers ang magiging resulta ng mga natitirang laro sa Group B eliminations upang malaman ang estado ng koponan sa quarterfinals sa liga.
-Ma. Katlene R. Angcanan
(Litrato ni Kent Martinez/FEU Advocate)