NSTP & COMREL’s Tree Hugging initiative to prompt green ventures
- March 01, 2024 18:41
FEU Advocate
August 20, 2024 19:07
Ang wika ay buhay at ito ay palaban.
Sumasalungat ito upang wakasan ang paghihirap na matagal nang kakambal ng masa. Humihinga ito ng kalayaan at nananalaytay sa kaniyang dugo ang kagustuhang kumawala sa mga tanikala ng pagkakakulong. Umaagos ito sa bawat sulok ng ating kamalayan; sa bawat titik at letrang isinusulat; sa mga salitang binibigkas ng mamamayan.
Sa bawat daing at hinagpis ng api, ang wika ay nagiging sandata ng bayan. Lumalaban ito sa pamamagitan ng mga talinghaga; kalasag ito ng mga nagtatanggol ng karapatan; espada ito ng katotohanan. Ang wika ay buhay, at sa bawat paghinga nito ay ang paglaya mula sa kawalan ng katarungan.
Buhay ang wika at hindi ito pumapayag na ikahon ang sarili sa iisang anyo.
Tulad ng isang hunyango, nagbabago ang wika ayon sa pangangailangan ng panahon at lipunan. Sa mga silid-aralan ng unibersidad, ang wika ay isang guro. Napapalamutian ng iba't ibang burda at butones ang kaniyang baro: tanda ng prestihiyo. Nakalimbag na sa mga aklat ang ilang henerasyong karunungan na pabaon ng wika, subalit hindi ito kailanman nagmataas. Bawat salitang binibigkas ay nagnanais na maghatid ng kaalaman; bawat pantig ay umaasang maintindihan. Ngunit hindi ito nakakulong sa libro o sa kamunduhan ng akademya at mga bagong katuklasan.
Ang wika ay may anyong payak at makikita ito sa kalsada: sa mata ng mga paslit na nagugutom, sa mga baklang naghahangad ng pagkakapantay-pantay; naglalagi ito sa sigaw ng mga nagpoprotesta na ipinaglalaban ang ating mga kalupaan at karagatan; sa mga kanto at eskinita ito’y nagiging kaswal at makulay, taglay ang mga kwento ng karaniwang tao.
Ang wika ay hindi elitista. Hindi ito mapagkait sa kaniyang kapangyarihan.
Sa bawat pagkakataong mayroon, kinukuha niya ang tiyansa na ipahiram ang bawat parte ng kaniyang katawan at kaluluwa. Sa mga oras ng pangangailangan, iniaabot niya ang kaniyang kamay upang may magamit sa pagsulat ng mga pangarap. Nandoon siya sa bawat titik at salita; sa bawat pangungusap na binibigkas.
Ang wika ay isang mapagpahiram na entidad; laging handang tumulong; laging bukas para sa sinumang nangangailangan. Hinahandog niya ang kaniyang bibig upang may masambit ang mga kailangang ipaglaban. Ang kaniyang mga mata ay nagiging bintana ng mga kwentong nais ilahad, at ang kaniyang puso ay pumipintig kasabay ng bawat talinhaga at pananaw.
Ang wika ay buhay, ngunit minsa’y kinakapos ito ng hininga.
Sa kabila ng pagiging para sa tao, ang wika ay pilit na ibinabaon sa limot at inaabandona. Ang wika ay buhay ngunit ang lakas nito ay yumayabong na lamang sa iisang buwan; nakakapit ang kaniyang mga ugat at sinisimot ang katiting na buhay ng mga literaturang inilalathala. Ang wika ay hindi nararapat ikulong sa isang yugto ng kalendaryo; hindi dapat nakakulong sa pagsulat ng mga artikulo at letra.
Sa bawat araw, sa bawat paghinga: ang wika ay dapat humihinga rin.
Nariyan ang wika sa bawat hinga: sumasabay sa hangin ng mga sigaw at bulong. Sa lansangan at kalsada, sa talas ng panulat at talim ng espada, dumadaloy ang wika—hindi bilang dekorasyon sa tuwing may selebrasyon, kundi bilang pulso ng araw-araw na laban. Dahil ang wika ay buhay, at sa bawat kadalisayan na sumama sa laban ay kadikit ang pagnanais na siya’y ipaglaban din.
Ang wika ay buhay, at ito ay mapagpalaya; at dapat na pinapalaya.
- Sean Clifford Malinao
(Dibuho ni Mary Nicole Halili/FEU Advocate)