Ang Lahat ng Ako

FEU Advocate
March 08, 2026 11:58


Ito ang teritoryo kong inaagaw niyo: 

ang lahat ng ako.

Ang espasyong inyong ipinasok at nilapastangan; 

Ang siwang na hindi niyo likha

ngunit inangkin bilang lagusan—

Ang lamat 

sa balat 

na hinahaplos ng inyong mararahas na mga kamay,

Ang aking boses,

Ang aking laman.

Sinasamba lang ang aking mga birhen

noong ito’y dumurugo. 

Inaalagaan lang ang aking mga rosas

kapag ito’y malago.

Ako ay isang sikretong itinatago—

sapagkat ang aking katawan ay politikal. 

Iginuhit na ng lipunan ang bawat hibla 

ng aking pagkatao.

Ngunit hindi ako hubad na katawan.

Hindi ako bulong sa lipunan.

Ako ang ilaw sa hindi tumatahan na sanlibutan.

Nasa akin ang sinapupunan 

at akin ang buhay

na inyong hinahawakan.

Itinaguyod ng aking laman

ang kalayaan.

Ako ang teritoryo.

Ako ang hangganan.

Ako ang pasiya.

Ako ang digmaan.

At akin nang babawiin ang lahat ng ako.

- Kristine Aimee Millonte 

(Latag ni  Phoemella Jane Balderrama/FEU Advocate)