3 Lady Tam Booters, nag-uwi ng mga preseason individual award

FEU Advocate
August 29, 2024 19:10


Ni Leiniel A. Santos

Matapos makamit ang kampeonato, nag-uwi ang tatlong Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraw Booters ng sari-sariling parangal bilang Best Goalkeeper, Best Midfielder, at Most Valuable Player (MVP) sa United Women's Invitational Football League noong ika-25 ng Agosto sa Rizal Memorial Stadium sa Lungsod ng Maynila.

Nasungkit ni Lady Tam Booter Yasmin Elauria ang Best Goalkeeper, Sarahgen Tubaling ang Best Midfielder, at team captain Dionesa Tolentin ang MVP award.

Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni MVP Tolentin na patuloy siyang nagpapasalamat sa kabila ng kaniyang pagkagulat sa hindi inaasahang karangalan mula sa palaro. 

“‘Di ko po in-expect (inasahan) kasi sa previous games (mga nakaraang laro), ‘di ako satisfied (kontento) sa pinakita kong laro. Na-surprise (nagulat) ako pero nagpapasalamat pa rin ako sa Panginoon kasi binigyan niya ‘ko ng ganitong award (parangal), and also (at saka) sa mga nanonood at nagtitiwala sa’min,” aniya.

Inihayag naman ni Best Goalkeeper Elauria ang pagkatuwa para sa naging unang parangal niya bilang isang Tamaraw student-athlete.

“Masaya kasi first award (unang karangalan) ko ‘to simula no’ng nag-aral ako sa FEU kaya susubukan ko rin siyang ku[nin] sa UAAP (University Athletic Association of the Philippines),” wika nito.

Sambit naman ni Best Midfielder Tubaling na naging mahalaga ang papel ng kanilang coaches para sa kinalabasan ng kanyang paglalaro.

Thankful (Nagpapasalamat) po ako sa mga coach (tagapagsanay) ko na laging nagga-guide (gumagabay) sa’kin. Sana po sa upcoming (darating na) UAAP Season 87, gano’n pa rin, magkaisa kaming lahat ‘tsaka ‘wag lang magpakampante,” saad ni Tubaling. 

Sa kabila ng mga parangal, ipinaalala ni MVP Tolentin ang kahalagahan ng pagiging mapagkumbaba lalo na sa mga darating nilang laban sa UAAP.

“Sa UAAP, different league (ibang liga) na ‘yan, ‘yung laro na ‘yan ay kung paano namin ipaglaban ‘yung school (paaralan) namin. Sa mga naka-receive (nakatanggap) ng individual award (indibidwal na parangal), ‘di lang dapat lumaki ‘yung ulo namin. ‘Yung paa namin dapat nasa ground (lupa) lang,” aniya. 

Sa oras ng pagkasulat, wala pang opisyal na anunsyo kung kailan gaganapin ang women’s football tournament sa UAAP, ngunit itinakda ang umpisa ng Season 87 sa ikapito ng Setyembre.

(Mga litrato mula sa United Women’s Invitational Facebook page)