2 libro ng FEU wagi sa 39th National Book Awards

FEU Advocate
August 06, 2022 05:52


Pinarangalan ng National Book Development Board (NBDB) at Manila Critics Circle (MCC) ang mga librong “Mindanao Harvest 4” at “Walk Manila” na likha ng mga manunulat mula sa Far Eastern University (FEU) Publications sa nagdaang 39th National Book Awards noong Hulyo 30.

Nanalo ng 'Best Anthology in English' sa dibisyon ng pampanitikan ang antolohiyang Mindanao Harvest 4 na akda nina Jaime An Lim, Christine F. Godinez-Ortega, at Ricardo M. De Ungria. 

Ang Mindanao Harvest 4 ay bahagi ng mga nagdaang serye na nailathala tatlumpung taon na ang nakalipas na naglalayon i-kwento at kolektahin ang mga tula, sanaysay, fiction, at drama mula sa Mindanao. 

May mga tema itong tulad ng digmaan at tunggalian, mga paniniwala, gawi sa kultura, at ang pagkakaugnay ng mga Muslim at Kristiyano. 

Samantala, inuwi ng Walk Manila na isinulat Lorelei DC de Viana ang ‘Best Book on Humor, Sports, and Lifestyle’ sa ilalim dibisyon na di-pampanitikan.

Ang Walk Manila ay isang walking tour book na kung saan ay ipinapakita nito ang kultura, kasaysayan, at impluwensya ng Maynila.

Nababase ang nasabing libro sa mga gusali, bahay, monumento, at iba pang arkitektural na lugar na may kaakibat na mapa at tour guide na likha ng FEU Guides, isang opisyal na organisasyong nangangalaga sa mahalagang kasaysayan ng FEU. 

Mula sa Facebook post ng National Book Development Board - Philippines (NBDB), nagbigay ng pahayag si NBDB Chairman Dante Francis Ang II ukol sa layunin ng nangyaring awards ceremony.

“The National Book Awards, by empowering agents of creativity to bring their ideas to fruition, aligns with the daring, yet hopeful economic outlook of the NBDB to reinvigorate the Philippine publishing industry,” saad ni Ang II. 

Layunin din ng NBDB na mas palawakin pa ang mga access point ng mga reading centers sa malalayong lugar sa bansa sa tulong ng programang ‘Book Nook.’

“... the NDBB is set to leverage the power of our number, our archipelago of stories from the islands of Batanes to Tawi-Tawi and our global diaspora that knows no boundaries,” dagdag nito. 

Sa 110 finalists na napili, 27 lamang ang nagkamit ng mga prestihiyosong parangal sa iba’t ibang kategorya. 

Maaaring mabili ang Mindanao Harvest 4 at Walk Manila sa opisyal na Shopee at Lazada page ng Tams Bookstore. 

Ang National Book Awards ay ang taunang pagpupugay ng NBDB at MCC sa mga natatanging libro na isinulat, idinisenyo, at inilathala sa Pilipinas. 

-Zaren Yzabelle D. Reamillo