2 kinatawan ng FEU ITHM, wagi ng bronze sa 2023 Philippine Culinary Cup

FEU Advocate
August 21, 2023 08:59


Ni Lynette Joy A. Pasajol

Nakamit ng dalawang mag-aaral mula sa Far Eastern University (FEU) Institute of Tourism and Hotel Management (ITHM) ang medalyang bronze sa kategoryang Filipino Cuisine Challenge sa 2023 Philippine Culinary Cup (PCC) na ginanap sa SMX Convention Center noong Agosto 2-5.

Ang tagumpay nina Ed Kelvin Catama at Hyeonsuk Lee ay ang unang medalyang napanalunan ng Unibersidad sa kasaysayan ng PCC.

Sa panayam ng FEU Advocate, inilarawan ng kanilang taga-sanay na si Chef Ayie Reyes ang kompetisyon bilang Olympics ng pagluluto dito sa Pilipinas.

It is actually one of the prestigious competitions held here in the Philippines to recognize local chefs, local talents, and local skills to compete internationally… Ito basically ‘yung tinatawag na Olympics ng culinary here in the Philippines (Sa katunayan, isa ito sa mga prestihiyosong kompetisyon na ginanap dito sa Pilipinas upang kilalanin ang mga lokal na mga chef, lokal na talento, at lokal na kasanayan para makipagtagisan sa pandaigdigang antas... Kumbaga, ito ang tinatawag na Olympics ng pagluluto rito sa Pilipinas),” saad ni Reyes.

Naghanda ng tatlong putahe ang dalawa para sa kompetisyon: Ensaladang mustasa na may okoy para sa appetizer; Binagoongan pork kare-kare na may pili nut butter para sa main dish; at Palabok rice para sa starch dish.

Napasama ang koponan nina Catama at Lee sa Top 15 na umani ng 73 na puntos mula sa 30 pares ng kalahok sa Filipino Cuisine Challenge.

Samantala, nagwagi naman ng gold ang kinatawan ng Lyceum of the Philippines na nakakuha ng 96 na puntos sa naturang kategorya.

Ayon kay Lee, isinakripisyo nila ang kanilang dalawang buwan na bakasyon bilang paghahanda para sa naturang kompetisyon.

“We sacrificed our summer vacation preparing for this, so much of our budget, and all the things we could have done instead. However, there is no regret (Inilaan namin ang aming bakasyon upang maghanda, karamihan ng aming badyet, pati ang mga ibang bagay na pwede sana naming gawin. Gayunpaman, walang kaming pagsisisi),” aniya. 

Ipinahayag naman ni Catama ang kaniyang naramdaman hinggil sa kanilang pagkapanalo sa kompetisyon.

Personally, I was shocked that we won a medal… Most of our competitors are certified chefs currently working in the culinary industry via restaurants and hotels (Ako mismo ay nagulat na kami ay nanalo ng medalya… Karamihan sa aming mga kalaban ay mga sertipikadong chef na nagtatrabaho sa mga restaurant at hotel dito sa industriya),” pahayag ni Catama.

Ayon sa kanilang taga-sanay, unang naghanda ang koponan upang lumahok sa Dream Team Challenge ngunit sila ay naubusan ng slot para rito.

Ibinahagi rin ni Chef Reyes kung paano pinangatawanan ng dalawang mag-aaral ang core values ng FEU na Fortitude, Excellence, at Uprightness

“Kinalaban nila professional chefs. And you can see doon sa lineup na they came from other hotels talaga, catering companies, schools… They deserve the win because of their heart. The two students, they are built with the core values of FEU precisely (Kinalaban nila mga propesyunal na chefs. At makikita mo sa hanay na sila ay galing sa iba’t ibang mga hotel talaga, catering companies, at mga paaralan… Karapat-dapat ‘yung pagkapanalo nila dahil sa kanilang puso. ‘Yung dalawang estudyante, pinangatawanan talaga nila ang core values ng FEU),” saad nito.

Ang mga chef instructor ng ITHM ay nakilahok din sa PCC tulad nina Chef Richard Tabuena sa US Beef category, Chef Michael Cabangon sa US Pork category, at HRM Department Chair Chef Jan Racky Masa sa Pasta category

Kabilang sa mga hurado ng kompetisyon ay mga tanyag na chefs mula sa 15 bansa gaya ng Pilipinas, South Korea, Singapore, Italy, Malaysia, Austria, Maldives, Switzerland, Thailand, Germany, Hong Kong, France, Australia, United Arab Emirates, at Sri Lanka.

Ang 2023 PCC ay ang ika-13 edisyon ng kompetisyon para sa taong ito na pinangunahan ng LTB (Les Toques Blanches) Philippines Chefs Association.

(Litrato mula sa FEU Manila - Institute of Tourism and Hotel Management Facebook page)