FEU dismantles UP to claim top spot
- October 26, 2024 20:31
FEU Advocate
December 27, 2019 09:10
Sa tradisyon ng mga Pilipino, ang Kapaskuhan marahil ang pinakamahabang okasyon. Setyembre pa lamang ay abala na ang ilan sa paghahanda nito.
Masasabing ito rin ay maraming kahulugan na itinitago para sa atin – nariyan ang kasiyahan para sa muling pagtitipon ng mga mahal sa buhay, pagpapasalamat para sa buhay, pagpupunyagi sa mga napagdaanang pagsubok at pagtanaw sa mga naging pasakit sa mga nakaraan.
Iba’t iba man ang ating pagkakakulay tuwing sasapit ang Pasko, nawa’y ang mga kulay na ito ay magpaalala ng ating pagkakaisa at pagmamahalan bilang mga Pilipino.
PULA: Pamilya
Wala nang makakatalo pa sa anumang regalo ngayong kapaskuhan sa pagkakaroon ng regalo ng pamilya—buo man o hindi, pamilya man sa ibang turing; maaring sa pagiging magkaibigan, magkalipi at iba pa.
Walang makakahigit sa pagmamahalan ng pamilya na nagkakaisa para makamtan hindi lamang ang kani-kanilang pansariling interes at mithiin kundi pati na rin ang pagkakaroon ng pandaigdigang kapayapaan, kaginhawaan, at kasiyahan.
Nawa’y tayong lahat ay maging isang pamilyang handang mahalin, tanggapin at tulungan ang bawat isa, sa panahon man ng okasyon o wala.
Dibuho ni Emmanuel Seña
Kapsyon ni Agustin San Andres Jr.
KULAY ROSAS: Hambal/Malasakit
Ang kapaskuhan ay isang paalalang may katungkulan din tayong haplusin ang mga kapwa nating nagdurusa mula sa kani-kanilang pagdarahop.
Nawa’y tayo ay maging kanlungan ng mga kababayan nating namamanglaw mula sa pagkalumbay–na kailanman ay hindi matutumbasan ng anumang materyal na bagay.
Dibuho ni Glenda Corocoto
Kapsyon ni Arvene John Dela Cruz
LILA: Kagaraan/Kagandahan
Ang tunay na kahulugan ng kapaskuhan ay hindi nakadepende sa mga nakadikit na palamuti sa buong bahay, sa kung anong mga handang nakahain sa hapag-kainan, at aguinaldong natanggap – kundi ang pagiging kuntento, simple at mapagpasalamat sa buhay.
Sa pagdiriwang ng Kapaskuhan, nawa’y matuto tayong maging masaya sa payak na pamumuhay at lumaya sa luho natin sa buhay.
Nararapat lamang na hindi maging basehan ang magagarbong bagay upang ipagdiwang ang tunay na kahulugan ng okasyong ito.
Dibuho ni Jeanne Acio
Kapsyon ni Agustin San Andres Jr.
ASUL: Pagmamahal sa Sarili
Sa mga napagdaanang problema, mga napagtagumpayang pagsubok at maging sa mga sakripisyong inalay, magbunyi at bigyang parangal ang sarili para sa mga labang sinuong at walang takot na hinarap.
Huwag limuting pasalamatan at ipagpunyagi ang mga pagwawagi natin sa mga naging hamon ng buhay.
Dibuho ni Jeanne Acio
Kapsyon ni Clarisse Kaye Sanchez
KULAY LANGIT: Kapayapaan
Ngayong Pasko, ipahinga natin ang ating isip sa anumang suliranin at hindi pagkakaunawan o pagkakaintindihan sa isa’t-isa.
Subukang palayain ang ating mga sarili at magpatawad muli. Huwag hayaang manaig ang galit, bagkus ay sulitin ang bawat sandali upang patulo na magmahal at maging maligaya.
Dibuho ni Jeanne Acio
Kapsyon ni Luddie Trixie Salcedo
BERDE: Buhay
Nagsisilbing simbolo ng okasyon ang pagtatayo ng Christmas tree. Ang maberde nitong dahon ang sumasalamin sa malagong buhay, biyaya at kasiyahan ng kapaskuhan – dagdagan pa ng mga makukulay na palamuti at kumukutitap na mga ilaw na tila nagsasabing magsaya at damhin ang pagmamahalan.
Sa tunay na buhay, hindi lahat ay may nakahandang Christmas tree sa kani-kanilang bahay sa kadahilanang may iba't iba tayong pinagdaraanan sa buhay.
Sa kabila nito, pinakamahalaga pa rin ay ang ating pananalig na magiging kasing luntian ng mga dahon nito ang masaganang buhay na nais nating makamit balang araw.
Dibuho ni Ralph de Jesus
Kapsyon ni Clarisse Kaye Sanchez
PILAK: Kahalagahan
Sa malamig na simoy ng hangin ngayong Pasko, marahil ay malungkot nga kung walang magpapainit na yakap o kaya nama'y kasabay na humigop ng kape. Gayunpaman, para sa iba, ang pag-iisa ang kasagutan upang mas taimtim na maipagdiwang ang kapaskuhan.
Maaaring sa paraang ito, mas nakikita ng ibang indibidwal ang kasiyahan sa pagdiriwang nang mas tahimik at makapagbigay ng pribadong oras para sa sariling pagninilay.
Dibuho ni Glenda Corocoto
Kapsyon ni Clarisse Kaye Sanchez
PUTI: Pananampalataya
Sa bansang may malaking populasyon ng Kristiyanismo, pasasalamat sa Maylikha ang parating panalangin ng mga Pilipino. Ito ay bilang pag-alala sa kaarawan ng kanyang ipinadalang Tagapagligtas.
Sa mga dasal at hiling na ibinubulong, kalakip din nito ang pasasalamat sa mga biyayang natatanggap at higit sa lahat, ang papuri sa Kanya.
Dibuho ni Shiena Sanchez
Kapsyon ni Clarisse Kaye Sanchez
DILAW: Kasiyahan
Ang kaligayahan ay hindi lamang masusukat sa magagandang ngiti sa labi kundi pati sa mapayapang puso sa pinagdaraanang suliranin sa buhay.
Ang isang mapagpasalamat na puso ay nagdudulot, hindi lang ng kasiyahan kundi pati ng pag-asa, anumang pinagdadaanan.
Dibuho ni Shiena Sanchez
Kapsyon ni Grace Roscia Estuesta
GINTO: Pagdiriwang
Sa pagsapit nito, ang pinakamahalagang simbolo ng Kapaskuhan ay kung saan ang lahat ay nagsama-sama bilang isang pamilyang nagdiriwang at nagpapasalamat sa mga biyayang natanggap.
Dibuho ni Shiena Sanchez
Kapsyon ni Aurea Lyn Nicolette Lacanaria
KAHEL: Optimista
Ang makita lamang ang mga mahal natin sa buhay na puno ng galak at pasasalamat ay hindi matatawaran ng ibang materyal na bagay sa buhay sa mahabang pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Anumang unos ang sumubok sa katatagang lumaban at magpatuloy sa buhay, hindi nito matitinag ang isang pundasyong matibay ang pananalig. Gaano man kapait ang ating mga pinagdaanan, pinagbubuklod ng kasiyahan at pinapawi ng pagmamahal ang mga luha at nagpapaalala sa atin na mayroong papawi rito.
Mapuno nawa ng kagalakan ang okasyon na ito para sa lahat ng lumalaban at patuloy na nilalaban ang kanilang mga buhay.
Dibuho ni Bea Gicole
Kapsyon ni Mary Evangeline Valenton
KAYUMANGGI: Pagtitipon
Ang Pasko ay isang napakamahalagang pagkakataon upang ang bawat Pilipino ay magkabuklod-buklod at magkaisa. Nagiging bukas ang mga pinto sa ating tahanan upang magsama-sama.
Iba’t iba man tayo ng paraan ng pagtitipon, hindi kailanman matutumbasan ng materyal na bagay ang oras at presensiyang maibabahagi natin sa iba – kadugo man o hindi.
Dibuho ni Emmanuel Seña
Kapsyon ni Ludidie Trixie Salcedo